Home Entertainment Kean Cipriano dismayed by government’s lack of action plan on COVID-19 crisis

Kean Cipriano dismayed by government’s lack of action plan on COVID-19 crisis

“Ano ba talagang plano?”

Ito ang tanong ni Kean Cipriano, 33, na tila gusto niyang ipukol sa gobyerno sa gitna ng krisis na kinahaharap ng Pilipinas.

Kahapon, July 26, nag-tweet si Kian upang ihayag ang kanyang pangamba sa kasalukuyang sitwasyon sa Pilipinas.

“I never felt secure. It never felt safe,” sabi niya.

“Ang daming nagkakasakit. Ang daming namamatay.

“Ang daming nawawalan ng trabaho. Ang daming nagsasara na negosyo.

“Ang daming nagaaway. Ang daming kasinungalingan.

“Ang daming excuses.

“Ano ba talagang plano?”

Ginamit din ni Kean ang hashtag na #ItoangSONAko sa tweet.

Nag-tweet si Kean isang araw bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi man nagdetalye, klaro na ang hugot ni Kean ay dahil sa mga problemang idinudulot ng COVID-19 crisis sa Pilipinas.

Umabot na sa higit 82,000 ang COVID-19 cases sa Pilipinas, as of July 27.

Ayon sa pag-aaral ang University of the Philippines OCTA Research, maaaring umabot sa 140,000 katao ang magpositibo sa virus sa katapusan ng Agosto kung hindi ito maaagapan.

Samantala, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, higit pitong milyon na ang nawawalan ng trabaho.

Bukod pa rito, maraming negosyo ang napilayan at nagsasara bunsod ng pandemya.

KEAN: “GAGUHAN 2020!”
Hindi rin naiwasan ni Kean na mapa-comment kaugnay ng naging kalagayan ng libu-libong locally stranded individuals (LSIs) na nais mag-avail sa Hatid Tulong program ng gobyerno.

Nitong weekend ay kumalat sa social media ang mga larawan ng libu-libong LSIs na nagsisiksikan sa loob ng Rizal Memorial Stadium.

Nakababahala dahil makikita na hindi naipatutupad ang social distancing.

Bakas ang pagkadismaya ni Kean sa kanyang tweet: “Nag lockdown at Quarantine ng ilang buwan.

“Hinuli mga tao na ‘hindi daw’ sumusunod sa quarantine protocols.(Pero hindi hinuli yung mga nasa posisyon na lumabag kasi daw VIP) Tapos di daw alarming yung dumadami na cases.

“Tapos eto… haaay! Gaguhan 2020!”

Sa pangunguna ng Department of Interior and Local Government, inilunsad ang Hatid Tulong para sa libreng hatid sa mga nais umuwi sa kani-kanilang probinsiya.

Si Presidential Management Staff Assistant Secretary Joseph Encabo ang lead convenor ng Hatid Tulong program.

Ayon sa ulat, tinatayang 7,000 katao ang nag-register para sa programa, pero nagkaroon ng delay kaya na-stranded ang LSIs sa Rizal Memorial Stadium.

Paliwanag ni Encabo, na-stranded ang LSIs dahil “there are a lot of challenges along the way.”

Partikular daw ay ang “availability of sea vessels” na maghahatid sana sa LSIs na karamihan ay taga-Caraga Region.

Sinabi rin ni Encabo na nagkaroon ng delay ng isang araw sa proseso, lalo pa’t kailangan sumailalim ang LSIs sa rapid antibody testing.

Pero ilang oras matapos makita ang hindi pagkakaroon ng physical distancing, inilipat daw ang ibang LSIs sa mga kalapit na venue, kagaya ng Quirino Grandstand.

Ayon kay Encabo, naisakay na ang 4,000 LSIs pauwi at inaasahang maisasakay ang mga natitira pa ngayong araw.

Sa pinakahuling ulat, walo o siyam na LSIs ang nagpositibo sa COVID-19.

soure ; https://www.pep.ph/news/local/152923/kean-cipriano-government-covid-19-a717-20200727?