Home Entertainment Liza Soberano & Kapamilya writer hurt by Aljur Abrenica’s stand on ABS-CBN...

Liza Soberano & Kapamilya writer hurt by Aljur Abrenica’s stand on ABS-CBN issue

Una, nadismaya ang isang Kapamilya writer sa maling pagkakaintindi raw ni Aljur Abrenica sa krisis na pinagdaraanan ng ABS-CBN.

Sinusugan ito ng aktres na si Liza Soberano.

Sina Liza, 22, at Aljur, 30, ay kapwa Kapamilya talents.

Empleyado naman ng network ang writer at media coordinator na si James Banaag.

Si James ang public relations writer ng weekly drama series na Maalaala Mo Kaya, ng primetime series na The Killer Bride, at ng pelikulang Hellcome Home.

Hanggang August 31 na lang sa trabaho ang libu-libong empleyado ng kumpanya, matapos bumoto ng 70-11 ang mga kongresista para hindi mabigyan ng panibagong 25-year legislative franchise ang network.

Sa tweet ni James nitong Biyernes ng gabi, July 24, ibinahagi niya ang artikulo ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa komento ni Aljur sa pagbasura ng Kamara sa prangkisa ng ABS-CBN.

“THEIR FIGHT IS THEIR FIGHT”
Sa artikulo ng PEP.ph, sinabi ni Aljur na, bagamat hindi siya hayagang nakikisimpatiya sa ABS-CBN, “pro-franchise” siya.

“Actually, pro-franchise po ako. Siyempre, that’s my mother network now. Marami rin silang naitulong sa akin.

“Pero it’s beyond me. Ibig kong sabihin, their fight is their fight,” sabi ng aktor.

Ayon pa kay Aljur, isang magandang oportunidad na rin ang nangyari “to cleanse…and to get better” para sa ABS-CBN sa larangan ng pagseserbisyo nito.

Mababakas sa pahayag ni Aljur na naniniwala siyang matimbang ang mga pagkukulang ng network kaya pinagkaitan ito ng prangkisa ng Kamara.

Kabilang sa mga ibinibintang sa ABS-CBN ang hindi pagbabayad ng tamang buwis, ilegal na paggamit ng pay-per-view service, paglalabas ng Philippine Depositary Receipts (PDRs), at iba pa.

Pawang napabulaanan na ng network ang mga alegasyong ito.

“Every case naman na ganito, may opportunity to make everything better. Yun na lang ang tinitingnan ko,” sabi pa ni Aljur.

ALJUR’S STAND ON ABS-CBN ISSUE SADDENS KAPAMILYAS
Nagpahayag ng gulat at lungkot ang writer na si James dahil mayroon daw palang Kapamilya star na hindi nauunawaan ang sinapit ng kanilang home network.

Tweet ni James: “Nakakalungkot lang na may mga artista pala kaming hindi talaga naiintindihan ang buong pangyayari. [frowning face]”Ang pakahulugan ni Liza, masakit tanggapin para sa ABS-CBN at sa ibang Kapamilya ang mistulang pagtalikod ni Aljur sa home network nito.

Lalo na sa parte ni Liza na aktibong nakikibaka—online at offline—para magbalik-operasyon ang broadcasting unit ng Kapamilya network.

Malinaw kasi sa sinabi ni Aljur na bagamat pabor siyang bigyan uli ng prangkisa ang ABS-CBN, hindi siya makikibahagi sa anumang pagsisikap na ibalik sa ere ang network.

Sa GMA-7 nagsimula at sumikat si Aljur noong 2006, hanggang sa lumipat siya sa ABS-CBN noong 2014.

Huling napanood si Aljur sa Kapamilya teleseryeng Sandugo.

HAS IT GOT TO DO WITH DAD-IN-LAW ROBIN?
Sa comments section, maraming netizens ang nagsabing mukhang naimpluwensyahan na si Aljur ng political beliefs ng biyenan nito, ang action star na si Robin Padilla.

Asawa ni Aljur ang anak ni Robin, ang Kapuso actress na si Kylie Padilla.

Si Robin ay kilalang supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte.

February ngayong taon nang mabatikos si Robin dahil sa pinagsasabi niya tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN.

Magkapareho ng opinyon sina Robin at Aljur sa issue.

Sabi noon ni Robin, pabor siyang mabigyan ng prangkisa ang network, pero dapat daw ayusin muna ng kumpanya ang working conditions ng mga empleyado nito.

Samantala, matagal nang iniuugnay ang Pangulo sa pagpapasara sa ABS-CBN.

Simula taong 2017 pa kasi paulit-ulit na nagbanta si Duterte na titiyakin niyang hindi mabibigyan ng Kamara ng bagong prangkisa ang mga Lopez, na nagmamay-ari ng giant broadcasting network.

Ayon sa Pangulo, ginantso siya ng network nang hindi ipalabas ang kanyang campaign ads noong 2016, kahit pa nabayaran na niya ang mga ito.

Sa kabila ng pag-aayos nina Duterte at ABS-CBN President-CEO Carlo Katigbak, nagkatotoo pa rin ang banta ng Presidente.

Hindi nga inaprubahan ng Kamara—na mayorya ay kaalyado ng Pangulo—ang franchise renewal ng ABS-CBN.

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

soure ; https://www.pep.ph/news/local/152890/liza-soberano-aljur-abrenica-abs-cbn-a4437-20200725?